Ipinaskil ni: rapsa noong: Setyembre 16, 2009
May mga Japanese kaming interns sa office. Mahilig kumain pero takot sa balot at sa iba pang mga “kakaibang” pagkain natin. Isang tanghali…
Me: Wow, dinuguan!
Ryo (Jap): What is that?
Me: (Dahil maselan nga ang isang ito, pinagtakpan ko ang ating beloved dinuguan.) Oh, that is chocolate soup.
Ryo: Really, oh I want to try that.
Me: Go ahead.
Ryo: This doesn’t taste like chocolate.
Me: Oh, it’s doesn’t have chocolate in it. We just call it chocolate soup because of the color.
Ryo: So what gives it the brown color?
Me: Oh the brown beans paste.
O, di ba sari-saring pagtatakip sa dinuguan. Kasi pag sinabi ko ng dugo ng baboy yun eh hindi niya na kakainin. At ayokong umalis siya ng Pilipinas ng hindi man lang natitikman ang ating beloved dinuguan! Ayun, gustong-gusto na ng mokong.


Dinuguan
PS
Salamat sa http://www.filipino-food-lovers.com/site-images/dinuguan/dinuguan1.jpg para sa larawan.
Ipinaskil ni: rapsa noong: Setyembre 10, 2009
Ang tagal na mula ng huling entry ko para sa Rapsa. Marami akong naisip sulatin, maraming nasa draft. Kung bakit hindi ko tinuloy ito’y dahil nakaligtaan na o kaya ay nakatamaran.
Pero siyempre hindi ko nakatamaran ang pagkain. Marami akong mga napuntahan at nadiscover na kainan. Bumiyahe ako sa Bicol at Davao at maraming bukod sa masarap na ay mga interesante ring pagkain. Interesante ang lasa, ang hitsura at marahil rin ay ang mga istorya nito. Sayang talaga na napalampas ko isulat ang mga ito. Ang tanging alaalang naiwan ay ang mga larawan. Sana ay makapagsulat pa ako tungkol sa mga ito.
Pero isang bagay na nadiskubre ko sa aking sarili ay ang kaibahan ng aking “taste” (taste na panlasa at yung taste in terms of liking). May mga pinuntahan akong restaurants dahil marami ang nagrerekomenda sa mga ito. Pero to my disappointment dahil pagkakain, talagang napapatanong ako, “ano kayang nagustuhan nila sa restaurant na ito?” o kaya ay “sa putaheng ito”? Talagang kung mababasa mo lang ang mga komento nila akala mo ay mamimiss mo ang kalahati ng buhay mo pag hindi ka nakakain duon. Dalawa na nga sa highly recommended at awarded pa ng Philippine Tatler ang talagang napatanga ako pagkakain. (Duh, what’s so special about this?) Jologs lang siguro talaga ang panlasa ko.
Ang talagang nagpapasaya pa rin pala sa akin ay ang lutong bahay. Kaya tuwang-tuwa ako ng madiscover ko ang blog na Home Cooking Rocks! Winner na winner itey ateng! Parang gusto ko siya maging friend para maimbitahan niya ako sa bahay niya kumain.
Naiinspire din ako na magluto. Kaya unti-unti kong pinupuno ng herbs and spices ang aming eskaparate sa bahay. Kung gusto mo ako mapasaya sa bertdey ko, regaluhan mo ako ng mag nakaboteng maliliit. O kaya kahit tanim na nasa paso, ako na magpapalago.
Isa nga rin pala sa pinagkaabalahan ko ay ang Restaurant City sa FB. Hehe. Kakaaliw eh. Yung pangarap ko na magka-restaurant parang duon ko naisasakatuparan.
Teka, pagod na mga tauhan ko, papahingahin ko muna. Hanggang sa muli. In a few days I’m off to Tokyo again!
Ipinaskil ni: rapsa noong: Enero 25, 2009
Matagal-tagal na rin akong hindi nakakasama sa mga rally o mobilizations. Ang huling natatandaan ko ay ang rally sa Ayala Avenue, Makati, matapos ang Senate hearings kay Jun Lozada. Pebrero pa ata ito.
Ang rally sa Pinas ay parang pista. Maraming tao. Iba-ibang tunog. Iba-ibang kulay. May galing pa sa malayo. Ang rally na ito dinaluhan ng bata, bagets, gels, boys, baklas, nyomboys, oldies but goodies, estudyante blues, sambayanang banal (madre, pari, pastor, atbp), mga magsasaka, OFWs, mangingisda, laborers, guro, health workers at marami pang iba.
Para rin siyang karnabal. May iba’t-ibang elemento kang makikita. May mga dating maka-Gloria na ngayon ay bumaligtad na. Meron ding mga dati na nanguna pa sa pagpapatalsik kay Erap pero ngayon ay chummy-chummy na sila.
Masaya, magulo, mainit, masikip, at exciting para sa mga baguhan. Pag nasa ilalim ka ng initan ng maraming oras tiyak gugutumin ka. Kaya nag-ikot-ikot ako para makita kung ano ba ang mga available na kainin pag-rally. Pagkaing masa. Pagkain na madaling kainin in case magkatakbuhan. Pagkain na mura. Pagkain na pansamantalang tatawid sa gutom. Pagkain na refreshing din.
At heto ang mga nakita ko.












Pag rally hindi na puedeng mag-maganda o mag-inarte ang sinuman. At pag kumalam ang sikmura, tiyak kakain at kakainin kung ano man ang makitang pagkain diyan! Attack!
Ipinaskil ni: rapsa noong: Hulyo 29, 2008
Isa sa mga interesanteng lugar na napuntahan ko ay ang Tokyu Food Show sa Shibuya. Ang turo nila, ang langit ay nasa itaas at ang impiyerno ay nasa ibaba. Hindi ko akalain na ang langit ay makikita rin sa ibaba. Sa ilalim pala ng busy na kalye ng Shibuya ay isang langit para sa taong tulad ko.
Pagpasok ko pa lang ay nanginig na ako! Para akong asong nakawala sa hawla! Hindi alam kung saan pupunta. Ano ang uunahin lafangin. Ano ang uunahin amuyin. I was literally salivating! Ayan napa-ingles na tuloy ako. Maluha-luha ako sa ganda. Sige kayo maglaway rin sa pagtingin sa mga larawan.
Una kong pinuntahan ang mga seafoods. Andiyan ang tako o octopus na talaga namang nagustuhan ko. Ang unagi o eel na gusto ko rin. Ang gaganda ng pagkakabalot nila. Pabalat pa lang parang masarap na. Meron ding mga isda na kamag-anak siguro ng lapu-lapu dahil mapula. Pero parang kamag-anak ko rin sa laki ng mata. Ang dami talagang iba-ibang klase ng yamang dagat na makikita dun! May alimango, mga shells, seaweeds, sea urchin at iba pa! Di ba sa palengke natin, pag napunta ka sa fish section, dun pinakamaputik? Dito wala kang putik na makikita! Putik sa ganda talaga!
Sa frozen section rin nila ay merong iba-ibang klase ng karne na ang gaganda ng hiwa. May beef, pork at chicken. Kilala ang Kobe beef ng Japan sa sarap nito. Alagang-alaga raw ang mga baka dito. Pinaliliguan, pinakakain ng sariwang damo (wow, pare heavy pinapakain rin kaya nung isang uri ng “damo”? hehehe) at heto ka, lekat talaga, pinaiinom daw ng beer! Minamasahe pa! Kawawang baka di ba? Akala niya ang sarap na ng buhay niya eh sa katayan din pala ang uwi niya! Ang ganda talaga ng cut nila ng karne dito at again, mukhang malinis. Walang dugo-dugo! Pero di gaya dito sa atin, nakasabit ang ulo at iba pang bahagi ng karne, makakapamili ka kung anong parte ang gusto mo at makakatawad ka pa! Sa kanila, naka-pack na. Pipili ka na lang. At may presyo na rin. So hindi makakatawad si suki. Ay meron din palang bahay itlog dun. Alam niyo yun? Peborit ko yun eh, masarap kasama sa arrozcaldo yun. Ewan ko kung anong luto nila ito sinasama.
Pero meron ding section ng mga lutong ulam. At iba-ibang klase ito. Napakaconvenient ng market na ito lalo na para sa mga nagtatrabaho. Kasi one stop shop ika nga. All your food needs. May grocery rin kasi dito eh. So para sa mga tinatamad magluto, turo na lang ng pagkain sa eskaparate. At mas mura dito kesa kumain ka sa restaurant. At ang dami talagang pagpipilian. Yung nasa picture ay talong na hindi naman long. Parang ensalada ata ang pagkakagawa dito sabi ng kaibigan ko. Yung katabi ng talong, hindi ko siya kilala. Pero parang bamboo shoots ata na may dahon-dahon at walnuts pa. Salad siguro ito. Meron pang parang okoy din natin.
Mahilig din sila sa kakanin. Lalo na yung malagkit o gagamit ng glutinous rice. Popular sa kanila ang mochi. Iba-ibang klase ito though kadalasan ay bilog ang hugis. Merong may palaman na chocolate, green tea, mongo, etc. May kulay brown, white, pink, depende sa trip mo. Meron pang may designs, naka-kahon at puede ipang-regalo. Yung nakastick parang carioca lang naman natin di ba?
Mahilig sila sa desserts kaya sandamakmak na minatamis ang puede mo pagpilian. Iba-iba ang k
ulay. Pabonggahan ang mga tindahan at displays sa eskaparate. Kita mo yung nasa tray ng itlog? That’s pudding dearie. Yata ha. Parang flan na nilagay sa egg shell. Ang ganda di ba? Siguro yung green ay may macha (green tea). Kita mo yung sa tabi niya? Creampuffs with strawberry cream and real strawberries. Huwaw! Parang mabibiyak ang ngipin ko sa tamis. At ang panghuli at ang tangi kong natikman sa dinami-dami ng desserts. Ang gelato. Sumakit ang ulo ko kakaisip kung aling flavor ang kukunin ko. Nauwi ako sa sesame. Matsalap siya! Hindi gaano matamis! Nagstrawberry naman ang kasama ko. Masarap din! Nagalaban ang tamis at asim.
Hindi ko man natikman ang lahat ng ito ay nabusog na rin ako! Busog na busog ang mata ko! Busog na busog ang puso ko sa saya! Pero nakakalungkot din kasi alam ko pag-uwi sa Pinas mamimiss ko ito.
Maingay rin ang market nila pero walang kagaya sa tin na “Suki, dito ka na bumili, may tawad pa!”. Pero baka naman meron din hindi ko lang naiintindihan kasi ang mga salita nila. Nakakatuwa rin panuorin kung paano nila ihanda ang iyong pagkain. Kitang-kita mo na malinis ang paligid, malinis ang gamit, hindi sila humahawak directly sa pagkain dahil may proteksyon ang kamay.
Nakukumpara ko lagi ang Pinas. Sana may ganito tayo. Sana may ganoon tayo. Pero meron din silang mga bagay na wala tayo. Hindi man maganda ang presentasyon ng ilang pagkain natin pero makatitiyak kang masarap ito. Meron kasi akong mga natikman sa kanila na keganda ganda, ke appeal appeal pero bagsak sa panlasa. Kaya pala dinaan sa ganda kasi kulang sa lasa! Pero siyempre kung matututunan natin ang ganitong klase ng presentasyon sa pagkain, talaga namang aangat ang pagkaing Pinoy.
Maganda ang Japan. Masarap rin ang mga pagkain nila. Pero sa gabi bago ka matulog meron ka pa ring hahanap-hanapin na lasa. Mamimiss at mamimiss mo pa rin ang lutong Pinoy. Namiss ko ang murang kain sa karinderya. Namiss ko ang piniritong hasa-hasa. Namiss ko ang goto ni Tia Merced.
Para sa karagdagang larawan sa Tokyu Food show, pumunta sa Of Sparks and Spontaineities site ng inyong abang lingkod.
Ipinaskil ni: rapsa noong: Hunyo 24, 2008
Hello everyone! Nanahimik ako ng ilang buwan pero hindi ibig sabihin ay tumigil na rin ako sa pagdiskubre ng mga lugar na makakainan o huminto na rin ako sa pag-appreciate sa mga masasarap na makakainan sa tabi-tabi. Naging busy lang talaga sa mga gawain sa iba’t-ibang pinagkakakitaan.
At nung Hunyo 1-15 ay nagbakasyon muna ang lola niyo sa Japan para bumisita sa ilang kaibigan, tuklasin ang kulturang Hapon, puntahan ang mga lugar na sa Japan Video Topics lang nasisilayan at tikman ang sandamakmak na uri ng pagkain na kontribusyon ng mga Hapon sa food culture.
Sa mga susunod na araw ay hayaan niyong ibahagi ko ang mga pagkaing aking nakita, naamoy at nalasahan sa 15 araw na pamamalagi sa Japan!
Ipinaskil ni: rapsa noong: Abril 24, 2008
Aba, matagal tagal na rin na hindi ako nakapost. Andami ko yatang ni-raket nitong mga nakaraang linggo na nakaligtaan ko ng sumulat ng mga entries dito. Actually ang daming nakabinbing sulatin. Bagamat hindi ako nagpaparamdam at sa kabila ng aking kabusyhan (o busy-busyhan) ay marami pa rin akong natikman, napuntahan at nadiskubreng masasarap kainan dito sa bayang ating sinalangan. Sa bayan kong sinilangan, sa Timog Cotabato…ay nadala ako.
Eniwei, sa tinagal-tagal ng aking pananahimik, ako’y muling nagbabalik para magkuwento ng tungkol sa paborito kong gawin sa mundo.
Summer na at ewan ko ba kung anong meron sa tag-araw na siyang nagpapadoble ng gutom ko sa araw-araw. Parang pakiramdam ko laging nagmamarakulyo ang mga alaga ko sa tiyan. Sa ofis nga alam na nila na pag nakasimangot ako, gutom na ako nun. Nagkakainan na naman ang maliit at malaking bituka ko.
Hindi pa tapos ang Quiapo series ko, marami pa akong isusunod diyan pero hayaan niyo munang dalhin ko kayo sa Laguna. Laguna, ng ito ay narating ko, parang ako ay nabago, kakaibang damdamin…. ayan nadala na naman ako. Weekend of foodtrips ang inabot ko ng linggong nagpunta kami sa Laguna. Pero hindi ko na isusulat yung ibang mga nakainan namin kasi hindi naman Proudly Pinoy. Hetong isang namumukod tangi at siyang kumumpleto sa linggo ko na lang.
Nagpunta kami sa Bay, Laguna (say Ba-i not Bay as in Manila Bay) para i-try ang suggestion ng isa kong kaibigan. Nagpagutom talaga kami para sulit ang kainan alam kasi naming mapapasabak kami. Nagpunta kami sa Kamayan sa Palaisdaan sa Bay. Madali lang itong matagpuan kasi malaki naman ang karatula nito sa labas at along the hi-way pa. Pagpasok ay matutuwa ka kasi native ang dating. Kubo-kubo na nakalutang sa tubig! Mga bahay kubo sa balsa sa palaisdaan. Cute kaayo! Tapos makikita mo yung mga hito na naglalanguyan. Hindi ko na nabilang kung ilang kubo meron. Para sa mga takot sa tubig [a.k.a. hydrophobia (either nakagat ng asong bang-aw o simpleng tamad maligo)] puede naman na dun kayo sa reclaimed land (charing!). Meron ding parang overlooking the palaisdaan lang. Pero siyempre dun kami pumuwesto sa kubo na nakalutang kasi gusto na rin namin sabayan ng pagligo ang pagkain namin.
O sige humahaba na ang kuwento, punta na tayo sa pagkain. Naturalmente dahil nasa palaisdaan ka eh di isda ang orderin mo! Kaya umorder kami ng Sinugno na Tilapia (inihaw tapos ginataan), Ginataang Suso (yung pilipit, kasi yung isang klase kuhol yun eh) at Sizzling Pusit. Ewan ko lang kung san hinuli ang ginatang suso at pusit, basta yung tilapia dun sa palaisdaan nila (malamang!) Umorder rin kami ng paborito kong pako salad, inihaw na talong at buko juice.






Galit-galit na kami nung dumating na yung mga order namin. Talo-talo na. Masaya kami sa kinain namin maliban lamang sa pako salad. Walang sinabi sa pako salad ni Aling Cely. Yung tilapia, ang laki, mataba. Halos hindi ko maubos ang isang buo. Da best ang ulo siyempre. Tama ang pagkakaihaw. Tamang tama rin ang pagkakagata. Yung suso naman walang kahirap-hirap supsupin. Effortless ba. Yung sizzling puzzit din pala hindi ko gano nagustuhan kasi parang may identity crisis siya. Ulam ba ako o dessert? Terno rin ang talong sa ibang inorder namin. Sarap naman lagi ang talong para sa akin kahit anong luto pa.
Sulit ang pagsadya namin sa lugar na ‘to. Masarap ang pagkain. Malaki ang serving. Affordable pa. Maganda ang lugar. Nakakatuwa yung mga kubo. Maganda dito kumain kasama ang pamilya.
At siyempre hindi matatapos ang pananghalian ng walang panghimagas. Sugod sa Max’s para sa Ube Decadence. Pinoy version ng panna cotta. May halaya sa gitna at budbod ng ube. Da best ito. Tataya ko pangalan ko dito!
O siya hanggang sa susunod na kainan!
(Ang Kamayaan sa Palaisdaan sa Bay ay matatagpuan sa National Highway, Bgy. Dila, Bay, Laguna)
Ipinaskil ni: rapsa noong: Marso 8, 2008
(Ito ay repost mula sa OSAS site ko sa Multiply, 4 August 2006)
Institusyon na ang Ma Mon Luk. Parte na rin ito ng kasaysayan ng Pilipinas.Hindi pa pinagtatagpo ng tadhana ang magulang ko may Ma Mon Luk na. At sa kasawiang palad kung hindi ako nagkakamali ay dadalawa na lang ang branches nito sa buong Pilipinas — sa Quiapo at sa Banawe.
Buti na lang cool ang erpat ko at ipinakilala sa akin ang Ma Mon Luk. Ang makakain mo lang naman dun ay Mami (special at regular), Siopao (special at regular na ang flavor ay asado o bola-bola pero hindi bola-bola ang tawag nila eh, nakalimutan ko), Siomai at Siomai Soup. Yun lang. Huwag ka ng magtangkang maghanap ng iba kasi wala dun.
Ang plato pingas pingas. Ang sabaw kulay pinaghugasan ng plato. Ang siopao hindi maputi. Ang interior decoration napaka-ancient na parang Ming Dynasty pa ata. Ang kahera at mga waiter ganun din. Abacus nga naghahanap ako eh pero wala medyo modern sila may cash register yun nga lang yung malalaki pa rin na mukhang isang toneladang bakal ata ang bigat nun tapos yung numero ang lalaki parang yung sa lumang pumping machine ng gas.
Ganun pa man… babalik-balikan ko ang Ma Mon Luk. Kasi masarap ang siomai at ang siomai soup. The best ang siopao, hindi parang puto ang dough at ang palaman, sabihin man nilang pusa ay masarap pa rin.
At di ko malilimutan ang Ma Mon Luk dahil dito ako madalas dine-date ng tatay ko. At pag nakikita ko na sarap na sarap siya sa mami at siopao niya ay naku nakakalimutan ko na pingas nga pala yung plato ng kinakainan ko at kulay pinagbanlawan ng sabon ang soup na hinihigop ko. Pero huwag matahin ang Ma Mon Luk, may kamahalan din siya ha. 90 pesoses para sa maliit na mangkok ng mami na wala namang sahog kundi ilang strips lang ng manok!
Salamat kay Papsi na labs na labs ko na lagi ako dinedate sa Ma Mon Luk. Buti na lang namana ko ang pagkahilig niya sa mga kung ano-anong pagkain at ang walang takot na page-eksperimento sa iba’t-ibang restawran.
Para sa akin hindi ka cool pag di ka pa nakakain sa Ma Mon Luk!
PS: Salamat sa http://www.flickr.com/people/bigberto para sa larawan!
Ipinaskil ni: rapsa noong: Pebrero 22, 2008
Quiapo, my Quiapo! Isa sa mga paborito kong lugar. At kahit ilang beses ako magpunta rito ay lagi akong may bagong nadidiskubre. Ang daming puedeng gawin, makita, maramdaman, maamoy at matikman sa Quiapo.
Isa sa mga puwedeng gawin ay ang magsimba sa Quiapo Church kung ika’y Katoliko o di kaya’y sa Mosque kung ika’y Muslim. (Oi, hindi naman etsapwera ang iba, may nakita rin akong chapter ng Ang Dating Daan dun, malapit sa may Quinta Market). Paraiso itong maituturing sa mga photographers. Bukod sa napakaraming magandang kunan, andiyan rin ang Hidalgo kung saan maraming mabibiling cameras at iba pang paraphernalia. Bago pa naging fad yang mga lomo-lomo na yan, eh marami na niyan dito at halos amagin na dahil di pa nuon pinapansin. Siyempre, yan rin ang “mecca” ng dibidi-dibidi. Hay naku manginginig ka talaga sa dami. Name it they almost have it. Marami ring ukay. Sa tabi lang ng daan kaya mura. Yun nga lang di ka makakapagsukat. Dun nga ako nakakita ng kurta na maganda at may intricate na beadwork sa halagang P50! Siyempre andiyan din ang mga murang handicrafts, table cloth, placemats, native bags, beads at kung anu-ano pang anik-anik. Andiyan ang Quinta Market, ang Killion at iba pang mga wholesalers na patok sa mga caterers, bakers, atbp. Siyempre, appliances sa Raon, mga salamin sa Paterno St., manghuhula sa Plaza Miranda, mga nagtitinda ng halamang gamot at ipa pang uri ng gamot sa tabi-tabi… hay, I could go on and on and on at baka kulangin na ang espasyo.
At siyempre, puede ba naman natin malimutan ang pagkain?! Isa yan sa yaman ng Quiapo. Ang napakaraming makakainan at mabibilhan ng masasarap na pagkain! Sa sobrang dami nito ay hindi ko muna ikukuwento sa inyo ng sabay-sabay. Installment muna.
Unang stopover, ang Moud Halal Roasted Chicken. Una ko itong nabasa sa PDI. Tapos nabanggit din ng kaibigan kong suki ng dibidi. Kaya minsan matapos mag-dibidi hunting ay tinunton namin ang Moud’s. Muli ko itong binisita dahil matagal-tagal ko na rin itong hindi nakainan. At naisip ko ngang i-feature dito sa Rapsa!
Obvious naman siguro kung ano ang specialty nila. Korak! Specialty nga nila ang hamburgers! Ay ano ba nililito niyo ako. Siyempre roasted chicken nga! At ito yung rotisserie chicken kagaya ng sa Kenny Roger’s (para medyo sossy pakinggan) pero ito rin ay kilala bilang lechon manok kagaya ng sa Andok’s at sa iba pang naglipanang litson manokan sa Pilipinas. Pero ito ay halal roasted chicken.Pag sinabing halal ito yung tinatawag na “permissible” na pagkain sa Islamic Law. Marami kasing pinagbabawal kainin sa relihiyon nila kagaya ng baboy, dugo (ex. dinuguan), atbp.
Yan ang unang tatambad sa inyong paningin pagpasok sa Moud’s. Ang nag-iikutan at nakapanlalaway na mga manok. (Babala: huwag masyado titigan ang pag-ikot ng manok, baka mahypnotize.)
Pagpasok sa Moud’s ay tumingala ka naman para makita mo ang menu nila. Nagulat ako kasi ganun pa rin ang presyo ng value meal nila. P60 para sa 1/4 chicken at rice. Puede ka mamili sa kabza o saudi rice (brownish at maanghang-anghang daw ito), java (kulay dilaw, parang star-rice o kanin na nilagyan ng star margarine) at plain rice. May kasama itong sauce na parang salsa (pero wala ng buong kamatis kang makikita) na may katamtamang anghang. Wala silang gravy. Hayan sige pagmasdan mo… Masdan ang mamula-mula’t mala-gintong balat. Pantay na pantay ang pagkaluto niyan. Walang dugo-dugo sa loob.
Pero bukod riyan ay may iba pang lutong ulam sa Moud’s at P35 lamang ang order. May spaghetti, pansit at hamburger na P20 ang order. May pizza rin na P10 ang slice (malambot ang crust at huwag ka ng maghanap ng bacon, pepperoni at ham kasi bawal sa kanila. Keso, konting pinya at pizza sauce lang yan. At huwag ka na magreklamo diyan kasi P10 lang naman. Laman tiyan rin yan). May pita bread (P15) din sila kung feel mo na ito ang ka-terno ng manok mo. At may fried chicken din na kung titingnan mo ay parang Chicken Joy naman ang dating!
Pansin ko lang ay hindi kasing malasa ng mga usual lechon manok ang Moud’s Roasted Chicken. Nakalimutan ko itanong kung ano ang timpla nila dito. Sa iba kasi nilalagyan ng tanglad (lemongrass), o rosemary, o garlic o honey para sa karagdagang flavor. Pero yung sa kanila ang magdadagdag ng lasa sa kakainin mo ay yung kanin at yung salsa. Kung manok lang ang lalantakan mo wala gaano itong lasa para sa akin. Pero gusto ko ang pagkakaluto dahil pantay na pantay at juicy-licious din ito (oops pahiram muna ng description Jollibee!).
Kung meron lang akong hindi nagustuhan ay ang paggamit nila ng styro at plastic spoon and forks kahit sa mga dine-in. Sana dun na lang sa plato at hindi disposable. Dagdag basura na naman yan sa Planet Earth. Pero puede naman mag-kamay dahil may tubig at maliliit na batyang nakahanda kung ayaw gumamit ng kutsara’t tinidor na plastik. Mas okay nga kasi masasagad mo to the bones (uy pahiram naman sa Max’s!).
O kung ikaw naman ay magagawi ng Quiapo, bisitahin mo na ang Moud’s Halal Roasted Chicken. Dito ka na kumain kesa naman sa usual na McJolly o Greenwitch o ChowQueen (yan kasi ang mga fastfood na andun). Mag-try ka naman ng bago! Makisabay kumain sa mga kapatid nating Muslim!
Bukod pa sa matitikman mo ang Moud’s Roasted Chicken, mami-meet mo rin yang mga nagagandahang serbedoras (salamat sa pagpayag na makunan ng litrato ang Moud’s) at si Kuya Chris na siyang magaling na bantay sa umiikot-ikot na mga manok!
(Ang Moud’s Roasted Chicken ay matatagpuan sa Globo de Oro St, Quiapo, Manila. Malapit sila sa Mosque. Tumawag sa 488-50-06, libre magtanong para di mawala.)
ps
salamat kay JVR sa photos!
Ipinaskil ni: rapsa noong: Pebrero 19, 2008
Comfort food. Yan ang tawag sa mga pagkaing nakakapagpasaya/ nakakaaliw/ nakakapagpaginahawa sa isang tao. Sa kung anupamang dahilan.
Pag malungkot ako kumakain ako. Pag masaya ako kumakain rin ako. Pag stressed ako kumakain ako. Pag relaxed ako kumakain rin ako. Kumakain ako mag-isa. Kumakain rin ako kasama ng pamilya, kaibigan, ka-opisina, at kung sino-sino pa.
Maraming pagkain ang nagpapasaya sa akin. Andiyan ang tokwa’t baboy. Arrozcaldo. Sago’t-gulaman. Dumplings. Fishball. Keyk. Mani. Kropek. Fried pansit. Pupor. Kropek. Takoyaki. Potato Chips. Cookies. Fried rice.
Pero minsan nakakalungkot din. Kasi sa pagsasaya ko sa pagkain meron namang iba na ni kanin walang makain. Haay… buhay nga naman.
Ikaw, anong pagkain ang nagpapasaya sa ‘yo?
(salamat sa marketmanila, jagaimo, globalpinoy, kookyculinary, bursky, filipino heritage at lunchinabox para sa mga larawan)