Ipinaskil ni: rapsa noong: Pebrero 17, 2008
Matapos kumain sa Cely’s Carinderia ay nagtungo naman kami sa Susie’s Cuisine para naman bumili ng mga pasalubong. Isang gulong lang ang layo nito sa Cely’s Carinderia, (siguraduhin lamang na walang dumaraang sasakyan sa iyong paggulong). Ang Susie’s Cuisine ay kilala sa kanilang mga kakanin at iba pang sweets o minatamis. Sikat sila sa kanilang tibok-tibok. Para itong maja blanca na walang maja o mais. Puting puti lang ito at nilalagyan ng budbod na latik sa ibabaw. Gawa ito sa sariwang gatas ng kalabaw. Ngayon ko lang natikman ito at kagaya ng ibang masasarap na pagkaing natikman ko, panandalian kong nakalimutan ang pangalan ko sa sarap! Exagg. Pero puera biro, masarap talaga siya at isa ito sa mga native delicacies na nagustuhan ko. Malambot, pino at makrema ang lasa niya. Parang ginawa ng may pagmamahal. Titibok talaga ang puso mo!
Hindi na namin sinubukan pa ang ibang kakanin na meron sila. Bumili na lamang kami para ipasalubong. Sa dami ng puedeng pagpilian hindi ko talaga alam ang bibilhin ko. Pero ang binili ko ay tibok-tibok (P100-5 slices, kulang kasi ang budget na dala eh, P300 ang maliit na bilao, P400 naman sa malaki), baked leche flan na gawa rin sa gatas ng kalabaw (P70 ang llanera) at mochi (P50-10 piraso). Nagulat ako sa mochi nila kasi mukhang gyoza at meron pa itong sauce na parang sabaw ng pinindot (ang pinindot ay ang bersyon ng ginataan sa mga taga-Cuenca, Batangas pero wala itong halong ibang sahog kundi bilo-bilo at sago lamang). Ang nagpakilala kasi sa akin sa mochi ay ang mga kaibigan kong sina Cy at Jays na parehong nasa Japan. Isa itong uri ng Japanese dessert na gawa sa glutinous rice o malagkit tapos may palamang monggo sa loob. Bilog ang hugis nito at hindi pahaba kagaya ng sa Susie’s. Ang kasama ko naman ay bumili ng puto at cassava cake. Pero gaya nga ng nasabi ko, magsasawa ka sa dami ng pagpipilian sa Susie’s. Meron din silang mga brownies, tarts, ensaymada, chicharon, pusit, mani, turrones de kasuy, atbp. Meron din pala silang pansit luglog, carbonara, spaghetti at iba pang pasta.
Katabi naman ng Susie’s Cuisine ang Rosing’s Candy Store. Maliit na tindahan lamang ito na dulot sa atin ay diabetes. Hahaha. Kasi lahat ng uri ng pampataas ng blood sugar at pampa-hyper ay meron sila. Meron silang pastillas de leche, pastillas de langka, pastillas pandan, marzapan de kasuy, caramel, yema, nougat at marami pang iba. Tinanong ko kung alin dun ang gawa sa gatas ng kalabaw, sabi ni Ateng Tindera ay yung caramel lamang daw. Nagustuhan ko ang pastillas kasi hindi siya katamisan. Kaya heto ang binili ko. Isang box na 25 piraso ay nagkakahalagang P100. May kamahalan ito dahil sing payat ng sitaw at mahigit kumulang dalawang pulgada lamang ang haba ng bawat isa.
Pinatunayan ng lutong Kapampangan na hindi lang sila sa ulam kakasa, pambato rin ang mga minatamis nila!
the best talaga yung tibok-tibok!!!…Lola didn’t like the puto!
Masarap talaga yung tibok-tibok lalo na pag libre and hindi ka nag-d-drive papunta sa Pampanga. Haha!
huwaw! susie’s! ang lapit lang sa amin niyan! everytime someone goes home sa pinas nagbibilin kami na pasalubungan kami ng susie’s lalu na yung “tsoklateng binaterol” (hot cocoa) sarap nun pag winter dito sa US!
love love love susie’s!!!
and rosing is the grandmother ng best friend ng sis ko. kaya umuulan ng kendi sa amin! yey!
miss ko yung mga pastillas and yema….gusto ko matikman yung tibok-tibok na yan!!! ikaw ang date ko and tour guide sa pampanga ha?!
Pebrero 18, 2008 Sa 1:11 umaga
OMG, OMG, OMG! gusto ko ng baked leche flan.waaaah!