Monthly Archives: February 2008

Quiapo Series – Moud Halal Roasted Chicken

Standard

Quiapo, my Quiapo! Isa sa mga paborito kong lugar. At kahit ilang beses ako magpunta rito ay lagi akong may bagong nadidiskubre. Ang daming puedeng gawin, makita, maramdaman, maamoy at matikman sa Quiapo.

Isa sa mga puwedeng gawin ay ang magsimba sa Quiapo Church kung ika’y Katoliko o di kaya’y sa Mosque kung ika’y Muslim. (Oi, hindi naman etsapwera ang iba, may nakita rin akong chapter ng Ang Dating Daan dun, malapit sa may Quinta Market). Paraiso itong maituturing sa mga photographers. Bukod sa napakaraming magandang kunan, andiyan rin ang Hidalgo kung saan maraming mabibiling cameras at iba pang paraphernalia. Bago pa naging fad yang mga lomo-lomo na yan, eh marami na niyan dito at halos amagin na dahil di pa nuon pinapansin. Siyempre, yan rin ang “mecca” ng dibidi-dibidi. Hay naku manginginig ka talaga sa dami. Name it they almost have it. Marami ring ukay. Sa tabi lang ng daan kaya mura. Yun nga lang di ka makakapagsukat. Dun nga ako nakakita ng kurta na maganda at may intricate na beadwork sa halagang P50! Siyempre andiyan din ang mga murang handicrafts, table cloth, placemats, native bags, beads at kung anu-ano pang anik-anik. Andiyan ang Quinta Market, ang Killion at iba pang mga wholesalers na patok sa mga caterers, bakers, atbp. Siyempre, appliances sa Raon, mga salamin sa Paterno St., manghuhula sa Plaza Miranda, mga nagtitinda ng halamang gamot at ipa pang uri ng gamot sa tabi-tabi… hay, I could go on and on and on at baka kulangin na ang espasyo.

At siyempre, puede ba naman natin malimutan ang pagkain?! Isa yan sa yaman ng Quiapo. Ang napakaraming makakainan at mabibilhan ng masasarap na pagkain! Sa sobrang dami nito ay hindi ko muna ikukuwento sa inyo ng sabay-sabay. Installment muna.

Unang stopover, ang Moud Halal Roasted Chicken. Una ko itong nabasa sa PDI. Tapos nabanggit din ng kaibigan kong suki ng dibidi. Kaya minsan matapos mag-dibidi hunting ay tinunton namin ang Moud’s. Muli ko itong binisita dahil matagal-tagal ko na rin itong hindi nakainan. At naisip ko ngang i-feature dito sa Rapsa!

Obvious naman siguro kung ano ang specialty nila. Korak! Specialty nga nila ang hamburgers! Ay ano ba nililito niyo ako. Siyempre roasted chicken nga! At ito yung rotisserie chicken kagaya ng sa Kenny Roger’s (para medyo sossy pakinggan) pero ito rin ay kilala bilang lechon manok kagaya ng sa Andok’s at sa iba pang naglipanang litson manokan sa Pilipinas. Pero ito ay halal roasted chicken.Pag sinabing halal ito yung tinatawag na “permissible” na pagkain sa Islamic Law. Marami kasing pinagbabawal kainin sa relihiyon nila kagaya ng baboy, dugo (ex. dinuguan), atbp.

Rotisserie

Yan ang unang tatambad sa inyong paningin pagpasok sa Moud’s. Ang nag-iikutan at nakapanlalaway na mga manok. (Babala: huwag masyado titigan ang pag-ikot ng manok, baka mahypnotize.)

Pagpasok sa Moud’s ay tumingala ka naman para makita mo ang menu nila. Nagulat ako kasi ganun pa rin ang presyo ng value meal nila. P60 para sa 1/4 chicken at rice. Puede ka mamili sa kabza o saudi rice (brownish at maanghang-anghang daw ito), java (kulay dilaw, parang star-rice o kanin na nilagyan ng star margarine) at plain rice. May kasama itong sauce na parang salsa (pero wala ng buong kamatis kang makikita) na may katamtamang anghang. Wala silang gravy. Hayan sige pagmasdan mo… Masdan ang mamula-mula’t mala-gintong balat. Pantay na pantay ang pagkaluto niyan. Walang dugo-dugo sa loob.

whole chicken

P60 meal

Pero bukod riyan ay may iba pang lutong ulam sa Moud’s at P35 lamang ang order. May spaghetti, pansit at hamburger na P20 ang order. May pizza rin na P10 ang slice (malambot ang crust at huwag ka ng maghanap ng bacon, pepperoni at ham kasi bawal sa kanila. Keso, konting pinya at pizza sauce lang yan. At huwag ka na magreklamo diyan kasi P10 lang naman. Laman tiyan rin yan). May pita bread (P15) din sila kung feel mo na ito ang ka-terno ng manok mo. At may fried chicken din na kung titingnan mo ay parang Chicken Joy naman ang dating!

Ibang ulam

Iba pa

Fried chicken

Pansin ko lang ay hindi kasing malasa ng mga usual lechon manok ang Moud’s Roasted Chicken. Nakalimutan ko itanong kung ano ang timpla nila dito. Sa iba kasi nilalagyan ng tanglad (lemongrass), o rosemary, o garlic o honey para sa karagdagang flavor. Pero yung sa kanila ang magdadagdag ng lasa sa kakainin mo ay yung kanin at yung salsa. Kung manok lang ang lalantakan mo wala gaano itong lasa para sa akin. Pero gusto ko ang pagkakaluto dahil pantay na pantay at juicy-licious din ito (oops pahiram muna ng description Jollibee!).

Kung meron lang akong hindi nagustuhan ay ang paggamit nila ng styro at plastic spoon and forks kahit sa mga dine-in. Sana dun na lang sa plato at hindi disposable. Dagdag basura na naman yan sa Planet Earth. Pero puede naman mag-kamay dahil may tubig at maliliit na batyang nakahanda kung ayaw gumamit ng kutsara’t tinidor na plastik. Mas okay nga kasi masasagad mo to the bones (uy pahiram naman sa Max’s!).

O kung ikaw naman ay magagawi ng Quiapo, bisitahin mo na ang Moud’s Halal Roasted Chicken. Dito ka na kumain kesa naman sa usual na McJolly o Greenwitch o ChowQueen (yan kasi ang mga fastfood na andun). Mag-try ka naman ng bago! Makisabay kumain sa mga kapatid nating Muslim!

Bukod pa sa matitikman mo ang Moud’s Roasted Chicken, mami-meet mo rin yang mga nagagandahang serbedoras (salamat sa pagpayag na makunan ng litrato ang Moud’s) at si Kuya Chris na siyang magaling na bantay sa umiikot-ikot na mga manok!

Mga ate

Chris

(Ang Moud’s Roasted Chicken ay matatagpuan sa Globo de Oro St, Quiapo, Manila. Malapit sila sa Mosque. Tumawag sa 488-50-06, libre magtanong para di mawala.)

ps

salamat kay JVR sa photos!

Anong pagkain ang nagpapasaya sa ‘yo?

Standard

Comfort food. Yan ang tawag sa mga pagkaing nakakapagpasaya/ nakakaaliw/ nakakapagpaginahawa sa isang tao. Sa kung anupamang dahilan.

  • Napapasaya ako ng isang pagkain siyempre pag masarap ito.
  • Tapos may naaalala ako sa kabataan ko tungkol sa pagkain na ‘to.
  • Gusto ko ang texture nito sa bibig ko.
  • Pansamantalang nalilimutan ko ang lahat ng gulo sa paligid ko pag nalalasahan ko na ‘to.
  • Napapagana nito ang imahinasyon ko.

Pag malungkot ako kumakain ako. Pag masaya ako kumakain rin ako. Pag stressed ako kumakain ako. Pag relaxed ako kumakain rin ako. Kumakain ako mag-isa. Kumakain rin ako kasama ng pamilya, kaibigan, ka-opisina, at kung sino-sino pa.

Maraming pagkain ang nagpapasaya sa akin. Andiyan ang tokwa’t baboy. Arrozcaldo. Sago’t-gulaman. Dumplings. Fishball. Keyk. Mani. Kropek. Fried pansit. Pupor. Kropek. Takoyaki. Potato Chips. Cookies. Fried rice.

comfort-food.jpg

Pero minsan nakakalungkot din. Kasi sa pagsasaya ko sa pagkain meron namang iba na ni kanin walang makain. Haay… buhay nga naman.

Ikaw, anong pagkain ang nagpapasaya sa ‘yo?

(salamat sa marketmanila, jagaimo, globalpinoy, kookyculinary, bursky, filipino heritage at lunchinabox para sa mga larawan)

 

Bisa Kung Mangan Kapampangan Pizza!

Standard

Hindi matatapos ang araw namin sa Pampanga ng hindi kami nagmemeryenda. Actually yung pagpunta sa Hot Air Balloon Fiesta ay parang excuse lang para sa aming pag-pig-out. Hehe. Mas marami pa ang oras na ginugol namin sa paghahanap ng makakainan kesa sa paglagi namin sa Clark. Halos mag-iisang oras kami na umikot-ikot para hanapin lang ang Camalig Resto. Sinadya talaga namin ito kasi grabe ang rave reviews na nabasa ko tungkol dito sa ibang bloggers. So matapos magpaikot-ikot at maligaw-ligaw sa turo ng mga napapagtanungan ay narating din namin ang Historic Camalig Restaurant. Naks! (Historic talaga ito. Ayon sa kanilang website, higit isang daang taon na ang Camalig na ito. Para sa impormasyon ng nakararami, ang camalig ay “grain depot” o imbakan ng palay o bigas”)

Kilala ang Camalig Restaurant sa kanilang pizza. “Ang Pambansang Pizza” nga ang tagline nila sa kanilang pizza. Sila mismo ang gumagawa ng sarili nilang crust at katulad din ito ng iba pang mga homegrown Pinoy Pizza kagaya ng 3M, Lotsa Pizza, Pizza Smile, etc. Lumaki ako sa ganung type ng pizza, yung manipis, malutong at matamis ang sauce. Nung bata kasi ako, ako ang taga-kain ng dulo ng pizza, yung tinitira na kasi wala ng sauce at topping sa parte na yun. Meron silang 15 flavors pero dalawang klase lang ang tinikman namin. Yung Armando’s Best (double ground beef,mushroom, green pepper with extra pepperoni at bacon for P349) at Doy’s Kapampangan (lungganisa, ebun buru (salted duck egg), onion at pickle relish for P102).

Armando’s Pizza

Malaki ang Armando’s pizza at hindi sila madamot sa toppings. Sagad hanggang dulo ang toppings nito. Pati na rin yung Doy’s Kapampangan nila. Excited ako na matikman yung Doy’s Kapampangan kasi yun ang bersyon ng mga Kapampangan ng pizza. At isa pa, wala nun sa Maynila! Dahil yung toppings naman ng Armando’s Best ay common at kahit saang pizza place ay makakaorder naman ako nun.

Doy’s Kapampangan

 

Medyo may katagalan ang paghanda nila ng pizza pero okay lang yun sa min basta’t masarap ang inaantay namin. Tsaka maaliwalas naman ang puesto namin sa labas. Hindi kami umupo sa loob kasi madilim. Siguro dahil ganun naman talaga ang kamalig, dapat madilim dahil imbakan nga ng bigas.

At dumating na ang pinakahihintay na pizza! Ang hatol ng mga gutom na inampalan: okay lang. Hindi ko naman nakalimutan pangalan ko. At least napawi ang gutom ko. Parang may hinahanap akong lasa na hindi ko nakuha. Medyo disappointed lang ako kasi parang lahat ng nag-blog tungkol sa pizza na to eh puring puri hanggang langit ang diumano’y sarap nito. Siguro acquired taste. Parang pesto pasta hindi ko agad nagustuhan nung una. Pero ngayon paborito ko na. Siguro iba lang talaga ang panlasa ng jologs na katulad ko. Mas nagustuhan ko yung Doy’s Kapampangan kesa sa Armando’s Pizza.

Kaya ang lesson, huwag maniwala sa lahat ng nababasa. Hehehe. Kaya huwag niyo rin ako gaano paniwalaan. Iba lang talaga ang panlasa ko at kahit mahilig ako kumain hindi naman nangangatwiran na lahat ng kinakain ko ay nagugustuhan ko. Sigurado ako na marami pang masarap dun na hindi lang namin na-order kasi purdoy na kami. At least sa susunod alam ko na ang hindi ko oorderin. Ganun na lang sinasabi ko pag may nakain ako na hindi ako lubos na nasiyahan.

Pero kayo, try niyo pa rin ha!

(Ang Historic Camalig Restaurant ay matatagpuan sa Sto. Rosario, Angeles City. Malapit to sa Nepo Mall.)

ps

ay alam ko na kung bakit mas nagustuhan ko yung Doy’s kesa sa Armando’s. kasi yung Armando’s may beef, tapos tinatanggal ko pa isa-isa para makain ko. eh kahit naman tinanggal ko na nalalasahan ko pa rin to. kaya hayun, may kakaibang lasa sa akin ito.

Sweet din ang mga Kapampangan!

Standard

Matapos kumain sa Cely’s Carinderia ay nagtungo naman kami sa Susie’s Cuisine para naman bumili ng mga pasalubong. Isang gulong lang ang layo nito sa Cely’s Carinderia, (siguraduhin lamang na walang dumaraang sasakyan sa iyong paggulong). Ang Susie’s Cuisine ay kilala sa kanilang mga kakanin at iba pang sweets o minatamis. Sikat sila sa kanilang tibok-tibok. Para itong maja blanca na walang maja o mais. Puting puti lang ito at nilalagyan ng budbod na latik sa ibabaw. Gawa ito sa sariwang gatas ng kalabaw. Ngayon ko lang natikman ito at kagaya ng ibang masasarap na pagkaing natikman ko, panandalian kong nakalimutan ang pangalan ko sa sarap! Exagg. Pero puera biro, masarap talaga siya at isa ito sa mga native delicacies na nagustuhan ko. Malambot, pino at makrema ang lasa niya. Parang ginawa ng may pagmamahal. Titibok talaga ang puso mo!

Tibok-tibok

Hindi na namin sinubukan pa ang ibang kakanin na meron sila. Bumili na lamang kami para ipasalubong. Sa dami ng puedeng pagpilian hindi ko talaga alam ang bibilhin ko. Pero ang binili ko ay tibok-tibok (P100-5 slices, kulang kasi ang budget na dala eh, P300 ang maliit na bilao, P400 naman sa malaki), baked leche flan na gawa rin sa gatas ng kalabaw (P70 ang llanera) at mochi (P50-10 piraso). Nagulat ako sa mochi nila kasi mukhang gyoza at meron pa itong sauce na parang sabaw ng pinindot (ang pinindot ay ang bersyon ng ginataan sa mga taga-Cuenca, Batangas pero wala itong halong ibang sahog kundi bilo-bilo at sago lamang). Ang nagpakilala kasi sa akin sa mochi ay ang mga kaibigan kong sina Cy at Jays na parehong nasa Japan. Isa itong uri ng Japanese dessert na gawa sa glutinous rice o malagkit tapos may palamang monggo sa loob. Bilog ang hugis nito at hindi pahaba kagaya ng sa Susie’s. Ang kasama ko naman ay bumili ng puto at cassava cake. Pero gaya nga ng nasabi ko, magsasawa ka sa dami ng pagpipilian sa Susie’s. Meron din silang mga brownies, tarts, ensaymada, chicharon, pusit, mani, turrones de kasuy, atbp. Meron din pala silang pansit luglog, carbonara, spaghetti at iba pang pasta.

collage3.jpg
asstd-086.jpg

 

Katabi naman ng Susie’s Cuisine ang Rosing’s Candy Store. Maliit na tindahan lamang ito na dulot sa atin ay diabetes. Hahaha. Kasi lahat ng uri ng pampataas ng blood sugar at pampa-hyper ay meron sila. Meron silang pastillas de leche, pastillas de langka, pastillas pandan, marzapan de kasuy, caramel, yema, nougat at marami pang iba. Tinanong ko kung alin dun ang gawa sa gatas ng kalabaw, sabi ni Ateng Tindera ay yung caramel lamang daw. Nagustuhan ko ang pastillas kasi hindi siya katamisan. Kaya heto ang binili ko. Isang box na 25 piraso ay nagkakahalagang P100. May kamahalan ito dahil sing payat ng sitaw at mahigit kumulang dalawang pulgada lamang ang haba ng bawat isa.

asstd-090v1.jpg

Pinatunayan ng lutong Kapampangan na hindi lang sila sa ulam kakasa, pambato rin ang mga minatamis nila!

 

Carinderia ni Aling Cely

Standard

hot-air-3.jpg

Bumiyahe kami para manuod ng 12th International Hot Air Balloon Fiesta sa Clark Field, Pampanga nung isang linggo. Alas tres palang ng umaga ay gising na kami dahil sabi sa blog ni Anton mas maganda daw magpunta dun ng maaga para makaiwas sa pila at makita namin yung pagpapalobo sa mga hot air balloons. Hindi ko kilala si Anton pero naniwala naman ako sa kanya. Tama naman ang sabi niya. Kaya malamang paniwalaan ko pa ang ibang sasabihin niya.

Eniwei, hindi lang naman yung mga lobong naglalakihan ang sadya namin dun. Dahil andun na rin naman kami, pagkakataon na naman para lumafang ng masarap na pagkaing Kapampangan. Pinagmamalaki ng mgaKapampangan ang luto nila. Siyempre ang claim nila pagkain nila ang pinakamasarap sa lahat ng lutuin sa Pilipinas (well,nabasa ko lang naman yan). Hindi naman ako magwawala sa claim nila na yan dahil masarap naman talaga ang ilan sa mga lutuin nila.

Carinderia ni Aling Cely

So matapos kumuha ng mga litratong isasali sa photo contest (hindi ako kundi ng mga kasama ko) ay dumerecho kami sa Nepa Mart para kumain sa Cely’s Carinderia. Nabasa ko naman sa isang site yun (goodnewspilipinas.com). Parang bahay ang yari ng carinderia. Tapos maraming mga nagngingitiang waitress ang sasalubong sa yo. Kasabay pa nga namin nuon ang ilan sa mga foreigners na nakita namin dun sa Hot Air Balloon Fiesta. Yung isa pa yung Balloon Pilot ng entry Hot Air Balloon ng Japan na korteng pugita. Ang cute nun! Baka kung totoo yun ay hinuli na yun ng mga mamang nagtitinda ng calamares sa bangketa. Aba, tiba-tiba sila dun!

Nakaestante ang mga pagkain sa Cely’s Carinderia. Tuturo ka na lang ng gusto mo. Pero puede ka rin magpaluto sa kanila ng camaru (cricket) at batute (frog) na specialty rin nila. Hindi na ako umorder nun kasi mahihina ang sikmura ng mga kasama ko. Alam kong palilipatin nila ako ng mesa pag nakita nila yung kinakain ko. Kaya ang inorder namin, pako salad, chicken bbq at sisig. May libre pang sabaw ng bulalo na binigay ko na lang sa kasama ko kasi nga hindi ako kumakain ng baka. Sabi nila masarap daw. Pinakanagustuhan ko yung pako salad (fern, salted egg, onion, tomato and vinaigrette dressing).

asstd-056.jpg

Masaya kami sa kinain namin. Ang galing nga eh hindi na kailangan ng dessert. Tipid na kami! Kasi yung chicken bbq nila ay ulam na at dessert pa dahil sa sobrang tamis. Naalala ko tuloy yung kaibigan kong ang gustong dessert ay yung lasang ulam. Sigurado ko magugustuhan niya yun. Pero heto pa yung ibang pagkain sa Cely’s.

Cely’s Specialties

Isa pang dahilan kung bakit masarap kumain sa Cely’s ay dahil nga lang kumakain ka sa kusina mo. Kumportable ka na at wala kang iintindhin na baka may nabe-break kang proper etiquette (naku sinuway ko na ata lahat ng turo sa Personality Development Class namin nung HS). Hindi ka mahihiya na humigop ng sabaw na mainit ng malakas. Slurp!!!! Hindi ka mahihiyang magkamay (bakit ba, masarap naman talaga kumain ng nakakamay ah). Tapos busog ka na hindi pa iiyak ang wallet mo. Ang total bill namin =P280.00 lang para sa 2 order ng chicken bbq, 1 order ng sisig, 2 order ng pako salad at 4 na order ng kanin. O-ha san ka pa! Wala pang tig-isang daan ang bawat isa sa amin.

Isa ito sa mga babalik-balikan ko na kainan sa Pampanga.

(Ang Cely’s Carinderia ay nasa tapat ng Nepo Mart sa Angeles City, Pampanga. May 15 minuto pa ang layo nito sa Clark, Pampanga.)