Monthly Archives: April 2008

Kamayan! Sa Palaisdaan! Sa Bay!

Standard

Aba, matagal tagal na rin na hindi ako nakapost. Andami ko yatang ni-raket nitong mga nakaraang linggo na nakaligtaan ko ng sumulat ng mga entries dito. Actually ang daming nakabinbing sulatin. Bagamat hindi ako nagpaparamdam at sa kabila ng aking kabusyhan (o busy-busyhan) ay marami pa rin akong natikman, napuntahan at nadiskubreng masasarap kainan dito sa bayang ating sinalangan. Sa bayan kong sinilangan, sa Timog Cotabato…ay nadala ako.

Eniwei, sa tinagal-tagal ng aking pananahimik, ako’y muling nagbabalik para magkuwento ng tungkol sa paborito kong gawin sa mundo.

Summer na at ewan ko ba kung anong meron sa tag-araw na siyang nagpapadoble ng gutom ko sa araw-araw. Parang pakiramdam ko laging nagmamarakulyo ang mga alaga ko sa tiyan. Sa ofis nga alam na nila na pag nakasimangot ako, gutom na ako nun. Nagkakainan na naman ang maliit at malaking bituka ko.

Hindi pa tapos ang Quiapo series ko, marami pa akong isusunod diyan pero hayaan niyo munang dalhin ko kayo sa Laguna. Laguna, ng ito ay narating ko, parang ako ay nabago, kakaibang damdamin…. ayan nadala na naman ako. Weekend of foodtrips ang inabot ko ng linggong nagpunta kami sa Laguna. Pero hindi ko na isusulat yung ibang mga nakainan namin kasi hindi naman Proudly Pinoy. Hetong isang namumukod tangi at siyang kumumpleto sa linggo ko na lang.\

Nagpunta kami sa Bay, Laguna (say Ba-i not Bay as in Manila Bay) para i-try ang suggestion ng isa kong kaibigan. Nagpagutom talaga kami para sulit ang kainan alam kasi naming mapapasabak kami. Nagpunta kami sa Kamayan sa Palaisdaan sa Bay. Madali lang itong matagpuan kasi malaki naman ang karatula nito sa labas at along the hi-way pa. Pagpasok ay matutuwa ka kasi native ang dating. Kubo-kubo na nakalutang sa tubig! Mga bahay kubo sa balsa sa palaisdaan. Cute kaayo! Tapos makikita mo yung mga hito na naglalanguyan. Hindi ko na nabilang kung ilang kubo meron. Para sa mga takot sa tubig [a.k.a. hydrophobia (either nakagat ng asong bang-aw o simpleng tamad maligo)] puede naman na dun kayo sa reclaimed land (charing!). Meron ding parang overlooking the palaisdaan lang. Pero siyempre dun kami pumuwesto sa kubo na nakalutang kasi gusto na rin namin sabayan ng pagligo ang pagkain namin.

O sige humahaba na ang kuwento, punta na tayo sa pagkain. Naturalmente dahil nasa palaisdaan ka eh di isda ang orderin mo! Kaya umorder kami ng Sinugno na Tilapia (inihaw tapos ginataan), Ginataang Suso (yung pilipit, kasi yung isang klase kuhol yun eh) at Sizzling Pusit. Ewan ko lang kung san hinuli ang ginatang suso at pusit, basta yung tilapia dun sa palaisdaan nila (malamang!) Umorder rin kami ng paborito kong pako salad, inihaw na talong at buko juice.

(

Galit-galit na kami nung dumating na yung mga order namin. Talo-talo na. Masaya kami sa kinain namin maliban lamang sa pako salad. Walang sinabi sa pako salad ni Aling Cely. Yung tilapia, ang laki, mataba. Halos hindi ko maubos ang isang buo. Da best ang ulo siyempre. Tama ang pagkakaihaw. Tamang tama rin ang pagkakagata. Yung suso naman walang kahirap-hirap supsupin. Effortless ba. Yung sizzling puzzit din pala hindi ko gano nagustuhan kasi parang may identity crisis siya. Ulam ba ako o dessert? Terno rin ang talong sa ibang inorder namin. Sarap naman lagi ang talong para sa akin kahit anong luto pa.

Sulit ang pagsadya namin sa lugar na ‘to. Masarap ang pagkain. Malaki ang serving. Affordable pa. Maganda ang lugar. Nakakatuwa yung mga kubo. Maganda dito kumain kasama ang pamilya.

At siyempre hindi matatapos ang pananghalian ng walang panghimagas. Sugod sa Max’s para sa Ube Decadence. Pinoy version ng panna cotta. May halaya sa gitna at budbod ng ube. Da best ito. Tataya ko pangalan ko dito!

O siya hanggang sa susunod na kainan!

(Ang Kamayaan sa Palaisdaan sa Bay ay matatagpuan sa National Highway, Bgy. Dila, Bay, Laguna)