Category Archives: Japanese food

The Chef of South Polar

Standard

Malamig. Sobrang lamig na kahit ang bacteria ay hindi mabubuhay. May panahon na hindi kayo sinisikatan ng araw. Walang kapitbahay. 400+ days kayong magkakasama. Walo lang kayo. Puro lalaki pa. Malayo sa pamilya at sa mahal sa buhay. Ano pa ang magiging libangan niyo? Ano ang magpapasaya sa inyo?

Sa pelikulang The Chef of South Polar, ipinakikita kung paano ang ating emosyon at lagay ng kaisipan ay maaring maimpluwensiyahan ng pagkain. Sa mga panahong katakot-takot ang pagka-homesick at kalungkutan, ang pagkain ang nagsalba sa kanilang huwisyo. Nakakatawang pelikula ito tungkol sa walong kalalakihan na na-assign sa South Pole para sa isang research. Kabilang sa team na ito ang isang chef na naghanda ng masasarap na putahe na madalas din nilang matikman sa kanilang hometown.

Pinatawa ako ng pelikulang ito pero mas higit na nagutom ako dahil dito. Babala sa mga manunood, huwag panuorin ng walang laman ang tiyan!

 

Tokyu Food Show

Standard

Isa sa mga interesanteng lugar na napuntahan ko ay ang Tokyu Food Show sa Shibuya. Ang turo nila, ang langit ay nasa itaas at ang impiyerno ay nasa ibaba. Hindi ko akalain na ang langit ay makikita rin sa ibaba. Sa ilalim pala ng busy na kalye ng Shibuya ay isang langit para sa taong tulad ko.

Pagpasok ko pa lang ay nanginig na ako! Para akong asong nakawala sa hawla! Hindi alam kung saan pupunta. Ano ang uunahin lafangin. Ano ang uunahin amuyin. I was literally salivating! Ayan napa-ingles na tuloy ako. Maluha-luha ako sa ganda. Sige kayo maglaway rin sa pagtingin sa mga larawan.

Una kong pinuntahan ang mga seafoods. Andiyan ang tako o octopus na talaga namang nagustuhan ko. Ang unagi o eel na gusto ko rin. Ang gaganda ng pagkakabalot nila. Pabalat pa lang parang masarap na. Meron ding mga isda na kamag-anak siguro ng lapu-lapu dahil mapula. Pero parang kamag-anak ko rin sa laki ng mata. Ang dami talagang iba-ibang klase ng yamang dagat na makikita dun! May alimango, mga shells, seaweeds, sea urchin at iba pa! Di ba sa palengke natin, pag napunta ka sa fish section, dun pinakamaputik? Dito wala kang putik na makikita! Putik sa ganda talaga!

Sa frozen section rin nila ay merong iba-ibang klase ng karne na ang gaganda ng hiwa. May beef, pork at chicken. Kilala ang Kobe beef ng Japan sa sarap nito. Alagang-alaga raw ang mga baka dito. Pinaliliguan, pinakakain ng sariwang damo (wow, pare heavy pinapakain rin kaya nung isang uri ng “damo”? hehehe) at heto ka, lekat talaga, pinaiinom daw ng beer! Minamasahe pa! Kawawang baka di ba? Akala niya ang sarap na ng buhay niya eh sa katayan din pala ang uwi niya! Ang ganda talaga ng cut nila ng karne dito at again, mukhang malinis. Walang dugo-dugo! Pero di gaya dito sa atin, nakasabit ang ulo at iba pang bahagi ng karne, makakapamili ka kung anong parte ang gusto mo at makakatawad ka pa! Sa kanila, naka-pack na. Pipili ka na lang. At may presyo na rin. So hindi makakatawad si suki. Ay meron din palang bahay itlog dun. Alam niyo yun? Peborit ko yun eh, masarap kasama sa arrozcaldo yun. Ewan ko kung anong luto nila ito sinasama.

Pero meron ding section ng mga lutong ulam. At iba-ibang klase ito. Napakaconvenient ng market na ito lalo na para sa mga nagtatrabaho. Kasi one stop shop ika nga. All your food needs. May grocery rin kasi dito eh. So para sa mga tinatamad magluto, turo na lang ng pagkain sa eskaparate. At mas mura dito kesa kumain ka sa restaurant. At ang dami talagang pagpipilian. Yung nasa picture ay talong na hindi naman long. Parang ensalada ata ang pagkakagawa dito sabi ng kaibigan ko. Yung katabi ng talong, hindi ko siya kilala. Pero parang bamboo shoots ata na may dahon-dahon at walnuts pa. Salad siguro ito. Meron pang parang okoy din natin.

Mahilig din sila sa kakanin. Lalo na yung malagkit o gagamit ng glutinous rice. Popular sa kanila ang mochi. Iba-ibang klase ito though kadalasan ay bilog ang hugis. Merong may palaman na chocolate, green tea, mongo, etc. May kulay brown, white, pink, depende sa trip mo. Meron pang may designs, naka-kahon at puede ipang-regalo. Yung nakastick parang carioca lang naman natin di ba?

Mahilig sila sa desserts kaya sandamakmak na minatamis ang puede mo pagpilian. Iba-iba ang kulay. Pabonggahan ang mga tindahan at displays sa eskaparate. Kita mo yung nasa tray ng itlog? That’s pudding dearie. Yata ha. Parang flan na nilagay sa egg shell. Ang ganda di ba? Siguro yung green ay may macha (green tea). Kita mo yung sa tabi niya? Creampuffs with strawberry cream and real strawberries. Huwaw! Parang mabibiyak ang ngipin ko sa tamis. At ang panghuli at ang tangi kong natikman sa dinami-dami ng desserts. Ang gelato. Sumakit ang ulo ko kakaisip kung aling flavor ang kukunin ko. Nauwi ako sa sesame. Matsalap siya! Hindi gaano matamis! Nagstrawberry naman ang kasama ko. Masarap din! Nagalaban ang tamis at asim.

Hindi ko man natikman ang lahat ng ito ay nabusog na rin ako! Busog na busog ang mata ko! Busog na busog ang puso ko sa saya! Pero nakakalungkot din kasi alam ko pag-uwi sa Pinas mamimiss ko ito.

Maingay rin ang market nila pero walang kagaya sa tin na “Suki, dito ka na bumili, may tawad pa!”. Pero baka naman meron din hindi ko lang naiintindihan kasi ang mga salita nila. Nakakatuwa rin panuorin kung paano nila ihanda ang iyong pagkain. Kitang-kita mo na malinis ang paligid, malinis ang gamit, hindi sila humahawak directly sa pagkain dahil may proteksyon ang kamay.

Nakukumpara ko lagi ang Pinas. Sana may ganito tayo. Sana may ganoon tayo. Pero meron din silang mga bagay na wala tayo. Hindi man maganda ang presentasyon ng ilang pagkain natin pero makatitiyak kang masarap ito. Meron kasi akong mga natikman sa kanila na keganda ganda, ke appeal appeal pero bagsak sa panlasa. Kaya pala dinaan sa ganda kasi kulang sa lasa! Pero siyempre kung matututunan natin ang ganitong klase ng presentasyon sa pagkain, talaga namang aangat ang pagkaing Pinoy.

Maganda ang Japan. Masarap rin ang mga pagkain nila. Pero sa gabi bago ka matulog meron ka pa ring hahanap-hanapin na lasa. Mamimiss at mamimiss mo pa rin ang lutong Pinoy. Namiss ko ang murang kain sa karinderya. Namiss ko ang piniritong hasa-hasa. Namiss ko ang goto ni Tia Merced.

Para sa karagdagang larawan sa Tokyu Food show, pumunta sa Of Sparks and Spontaineities site ng inyong abang lingkod.

Rapsa sa Panja!

Standard

Sa Sushi BarHello everyone! Nanahimik ako ng ilang buwan pero hindi ibig sabihin ay tumigil na rin ako sa pagdiskubre ng mga lugar na makakainan o huminto na rin ako sa pag-appreciate sa mga masasarap na makakainan sa tabi-tabi. Naging busy lang talaga sa mga gawain sa iba’t-ibang pinagkakakitaan.

At nung Hunyo 1-15 ay nagbakasyon muna ang lola niyo sa Japan para bumisita sa ilang kaibigan, tuklasin ang kulturang Hapon, puntahan ang mga lugar na sa Japan Video Topics lang nasisilayan at tikman ang sandamakmak na uri ng pagkain na kontribusyon ng mga Hapon sa food culture.

Sa mga susunod na araw ay hayaan niyong ibahagi ko ang mga pagkaing aking nakita, naamoy at nalasahan sa 15 araw na pamamalagi sa Japan!