Almusal

Standard

Inaantok pa. Ano kaya ang maluto para sa almusal? May spaghetti.  May spanish sardines. Aha, sige spaghetti with spanish sardines na lang! Salamat kay Tita Ces sa kanyang pasalubong na Montano sardines galing Dipolog. Hindi kami nawawalan ng stock nito sa bahay dahil kung walang ulam o tinatamad magluto eto ang siya naming nilalantakan. Matagal ko ng ginagawa ito pero ngayon ko lang mase-share.

Procedure:

Magpakulo ng spaghetti. Depende sa dami na kaya mong ubusin.

Maglagay ng hanggang 2tbsp ng oil kung saan nakababad ang sardines. Merong montano in olive oil meron din in corn oil.

Pigaan ng kalamansi para maalis ang lansa. Meron akong nabili sa Japan na lemon juice na nasa bote may timpla na rin paminta. Swak siya. Yun ang ginamit ko. Parang 1 tbsp siguro nilagay ko. Hindi kasi ako mahilig magtakal eh. Tinantiya ko lang.

Dahil mahilig ako sa maanghang binubduran ko rin ng chili flakes. Yang chili flakes na ginamit ko may sesame seeds na kasama kaya may malutong-lutong kang makakagat. Dagdag texture din. Maglagay rin ng parmesan cheese para mas masarap!

Voila may almusal na ko! Puede rin siyempreng tanghalian o hapunan yan! Pasta Pilipino style! Maraming sardinas sa atin eh, isa lang yan sa puede mong gawin!

Pasta Pinoy style!

 

At natapos na ang holiday

Standard

Pag pasko sandamakmak ang hamon at iba pang karneng ulam. Nagsalu-salo ang pamilya namin nung Sabado para sa pagsalubong ng Bagong Taon, sa lagpas 10 putahe na inihanda wala man lang nakaalalang magluto ng isda at gulay. Merong naligaw na ginatang hipon. Kaya naman ito ang nilantakan agad ng lahat. Ay meron din palang relyenong bangus. Oh di ba well-balanced ang meal?! San ka pa!

Ang pamilyang hindi mahilig sa karne

Pero sa totoo lang nakakauta ang panay karne di ba? At pag natapos ang holiday season, ang kabi-kabilang party ang gugustuhin mo na lang kainin ay ito.

Tulingan, tambakol at may singit pa ring inihaw na baboy

Tulingan kayo riyan!

Kilala niyo ga ang kadyos? Yan ang paboritong gulay ng mga diyos at diyosa!

Sows! Pag yan ang ulam tapos sakol, ayos ayos nga naman ang kain. Eh kung may ganito pa, lalo na!

Tawilis is love

Sawsawan ay calamansi at asin na may siling labuyo. Karibok na!

Mapa-sinaing, inihaw o pinirito, tawilis ay panalo!

At bilang pang-himagas, uminom ng kapeng barako na nilaga sa ganitong kaitim na takure.

Kapeng barako, kaya ga ng tapang mo?

Samahan na rin ng puto kutsinta.

Potong kotchinta

Sa taong ito, mas dadalasan ko na talaga ang uwi sa amin!

Bitter daw oh!

Standard

May isa akong kaibigan na nag-post ng mga pictures ng mga kinain niya mula sa Bacolod. Eh alas-onse ng gabi ko  nakita. Putragis ginutom ako. Bumaba ako para sumilip ng makakain sa ref, eh wala akong napala akyat na lang ulit ako at tiningnan ko na lang ang mga pictures na pinost niya. Sa inis ko siniraan ko isa-isa ang mga pagkain pinost niya. Nag-post siya ng talaba, sabi ko may red tide at hindi sariwa yung nakain niya. Meron ding picture ng lapu-lapu sabi ko niloko lang siya dahil maya-maya lang naman talaga yung sinerve sa kanya. May picture pa siya ng garlic rice sabi ko NFA rice yun na may bukbok. Meron ding tortang alimango na sabi ko ay tira-tirang karne na ginawang omelette para hindi halata. Hahaha! Ang nagagawa nga naman ng gutom sa akin. Bitter Ocampo ang lola niyo!

Talaba ba? Talaba ba kanyo? O heto, magsawa kayo, all shapes and sizes at mula pa sa iba't-ibang bansa!

Dinuguan

Standard

May mga Japanese kaming interns sa office. Mahilig kumain pero takot sa balot at sa iba pang mga “kakaibang” pagkain natin. Isang tanghali…

Me: Wow, dinuguan!

Ryo (Jap): What is that?

Me: (Dahil maselan nga ang isang ito, pinagtakpan ko ang ating beloved dinuguan.) Oh, that is chocolate soup.

Ryo: Really, oh I want to try that.

Me: Go ahead.

Ryo: This doesn’t taste like chocolate.

Me: Oh, it’s doesn’t have chocolate in it. We just call it chocolate soup because of the color.

Ryo: So what gives it the brown color?

Me: Oh the brown beans paste.

O, di ba sari-saring pagtatakip sa dinuguan. Kasi pag sinabi ko ng dugo ng baboy yun eh hindi niya na kakainin. At ayokong umalis siya ng Pilipinas ng hindi man lang natitikman ang ating beloved dinuguan! Ayun, gustong-gusto na ng mokong.

Dinuguan

Dinuguan

PS

Salamat sa http://www.filipino-food-lovers.com/site-images/dinuguan/dinuguan1.jpg para sa larawan.

Na-miss ko ang magblog

Standard

Ang tagal na mula ng huling entry ko para sa Rapsa. Marami akong naisip sulatin, maraming nasa draft. Kung bakit hindi ko tinuloy ito’y dahil nakaligtaan na o kaya ay nakatamaran.

Pero siyempre hindi ko nakatamaran ang pagkain. Marami akong mga napuntahan at nadiscover na kainan. Bumiyahe ako sa Bicol at Davao at maraming bukod sa masarap na ay mga interesante ring pagkain. Interesante ang lasa, ang hitsura at marahil rin ay ang mga istorya nito. Sayang talaga na napalampas ko isulat ang mga ito. Ang tanging alaalang naiwan ay ang mga larawan. Sana ay makapagsulat pa ako tungkol sa mga ito.

Pero isang bagay na nadiskubre ko sa aking sarili ay ang kaibahan ng aking “taste” (taste na panlasa at yung taste in terms of liking).  May mga pinuntahan akong restaurants dahil marami ang nagrerekomenda sa mga ito. Pero to my disappointment dahil pagkakain, talagang napapatanong ako, “ano kayang nagustuhan nila sa restaurant na ito?” o kaya ay “sa putaheng ito”? Talagang kung mababasa mo lang ang mga komento nila akala mo ay mamimiss mo ang kalahati ng buhay mo pag hindi ka nakakain duon. Dalawa na nga sa highly recommended at awarded pa ng Philippine Tatler ang talagang napatanga ako pagkakain. (Duh, what’s so special about this?) Jologs lang siguro talaga ang panlasa ko.

Ang talagang nagpapasaya pa rin pala sa akin ay ang lutong bahay. Kaya tuwang-tuwa ako ng madiscover ko ang blog na Home Cooking Rocks! Winner na winner itey ateng! Parang gusto ko siya maging friend para maimbitahan niya ako sa bahay niya kumain.

Naiinspire din ako na magluto. Kaya unti-unti kong pinupuno ng herbs and spices ang aming eskaparate sa bahay. Kung gusto mo ako mapasaya sa bertdey ko, regaluhan mo ako ng mag nakaboteng maliliit. O kaya kahit tanim na nasa paso, ako na magpapalago.

Isa nga rin pala sa pinagkaabalahan ko ay ang Restaurant City sa FB. Hehe. Kakaaliw eh. Yung pangarap ko na magka-restaurant parang duon ko naisasakatuparan.

Teka, pagod na mga tauhan ko, papahingahin ko muna. Hanggang sa muli. In a few days I’m off to Tokyo again!

Mga Chi-cha sa Rally

Standard

Matagal-tagal na rin akong hindi nakakasama sa mga rally o mobilizations. Ang huling natatandaan ko ay ang rally sa Ayala Avenue, Makati, matapos ang Senate hearings kay Jun Lozada. Pebrero pa ata ito.

Ang rally sa Pinas ay parang pista. Maraming tao. Iba-ibang tunog. Iba-ibang kulay. May galing pa sa malayo. Ang rally na ito dinaluhan ng bata, bagets, gels, boys, baklas, nyomboys, oldies but goodies, estudyante blues, sambayanang banal (madre, pari, pastor, atbp), mga magsasaka, OFWs, mangingisda, laborers, guro, health workers at marami pang iba.

Para rin siyang karnabal. May iba’t-ibang elemento kang makikita. May mga dating maka-Gloria na ngayon ay bumaligtad na. Meron ding mga dati na nanguna pa sa pagpapatalsik kay Erap pero ngayon ay chummy-chummy na sila.

Masaya, magulo, mainit, masikip, at exciting para sa mga baguhan. Pag nasa ilalim ka ng initan ng maraming oras tiyak gugutumin ka. Kaya nag-ikot-ikot ako para makita kung ano ba ang mga available na kainin pag-rally. Pagkaing masa. Pagkain na madaling kainin in case magkatakbuhan. Pagkain na mura. Pagkain na pansamantalang tatawid sa gutom. Pagkain na refreshing din.

At heto ang mga nakita ko.Squidballs

Mabibilog na squidballs

Kwek-kwek

Cup Noodles

Ice Candy

Masarap ang binalot!

Binalot!

Ice Cream

Fish cracker, balot

Mani

Charon

Bilao

taho

Pag rally hindi na puedeng mag-maganda o mag-inarte ang sinuman. At pag kumalam ang sikmura, tiyak kakain at kakainin kung ano man ang makitang pagkain diyan! Attack!

Happy Birthday the Pinoy way

Standard

Hindi naman kelangan na lahat ng post ko dito ay tungkol sa mga carinderia o restaurants na nakainan ko. Basta masayang kainan experience ay ikukuwento ko!

Tayong mga Pinoy basta bertdey ay hindi yata puede na hindi maghahanda. Kahit simpleng salo-salo lang, basta kakain kasama ang mga mahal sa buhay. Minsan may pa-style pa tayo na ganito sa mga bisita natin. “Pasensiya na ha, wala naman akong handa.” Pero huwag ka, may pansit na may spaghetti pa, may puto, may bibingka, may barbecue, may lumpiang shanghai, may pochero, may mechado, may menudo, may dinuguan, may fruit salad, may buko pandan at higit sa lahat may lechon. Pero wala raw siyang handa. Wala pa siyang handa niyan ha. Nakapagtataka tuloy kung pano na lang siya pag may handa pa.

Nung Linggo ay umattend ako ng isang bertdeyan. Bday ni Lola. Lola siya ng kaibigan ko pero siyempre dahil Pinoy tayo Lola rin ang tawag natin. Hindi naman tayo parang Amerikano na first name basis kahit sa matanda. At saka hindi ko siya puede i-first name basis kasi hindi ko alam ang first name ni Lola in the first place (whoa! daming first dun sa sentence na yun ah!). Basta siya si Lola.

Nakakatuwang isipin na si Lola ay nagce-celebrate ng kanyang ika-88 na kaarawan. Pero pag tinanong mo siya kung ilang tao na siya, ang sasabihin niya ay 90. Kasi mas madaline raw sabihin ang ninety kesa sa 88. Sige try mo, nayntee. Yung isa eyti-eyt. Oo nga tama si Lola, mas madali bigkasin ang ninety kesa eighty-eight.

Anyway, touched ako at isa ako sa piling bisita ni Lola. Masarap ang handa niya! Courtesy of her soon to be apo-in-law! Aba ganun talaga pag nagpapalakas. Heehee, loko lang Will.

Heto ang menu sa bertday ni Lola. May pansit. Of course mawawala ba naman ang pansit sa berdeyang Pinoy. Ay mali hindi pala pansit ito. Sotanghon pala. Kasi akala ni Will ay bihon ang stock nila sa kusina, sotanghon pala. Pero dahil wala ng oras lumabas ay ito na rin ang ginamit ni Will. May sahog na malalaking pilas ng chicken breast, repolyo at dahil nagkulang na sa repolyo at kelangan mag-improvise ay gumamit na lang ng pechay. Ito ang manok na may sahog na pansit! Sabi ni Lola, hindi raw siya naniniwala na ang pansit ay pampahaba ng buhay. Hmm.. you mean Lola hindi pa mahaba ng 88 years para sa’yo?

Meron ding dalawang klase ng barbecue. Ang chicken barbecue at pork barbecue. Masarap ang timpla ng barbecue. Binabad kasi ito ng magdamagan. Nakita ko pa ng tinimpla ito. Pero may secret spice siya na nilagay. Pero hindi na ito secret ngayon kasi ire-reveal ko na sa inyo. Cayenne pepper.

At siyempre hindi rin mawawala ang lumpiang shanghai na ako at si Lola ang nagbalot. Ewan ko ba kung anong magic meron ang cayenne pepper dahil nilagyan din ang giniling nito. Nakakatawa ang hitsura ng mga binalot namin na lumpia ni Lola. Iba-iba ang sukat. Yung kay Lola kasing taba ng buritto, yung sa akin naman mukhang turon.

Bukod sa mga yan ay meron ding fried rice at siyempre para sa dessert ay prutas at cake mula sa Conti’s. Ang kanilang specialty na Mango Bravo. Ay teka heto nga pala si Lola at ang mga handa niya.

Heto naman ang Mango Bravo. Napakaganda talaga ng cake na ito. Kung may beauty contest ng cake ay pasok ito! May kataasan ang cake na ito. Parang 3 taas ng normal na cake. Pero hindi lang basta ganda ito kasi masarap din talaga. May layers ang cake na ito. May parte na mousse, may parte na parang sans rival, meron ding may sponge (teka, tama ba ako?) . Hindi rin katamisan ang icing. At sandamakmak ang mangga!

Bravo! Bagay na bagay ang pangalan mo sa’yo! Maganda siya sa labas, maganda rin siya sa loob!

Isang slice lang ay hindi ko pa naubos. Sobrang filling rin ng dessert na ito. Si Ching sa excitement, nag-dessert muna bago kumain ng kanin!

Hay! Ang sarap ng handa mo Lola. Happy Birthday sa’yo. Sa isang taon ulit ha!